Thursday, September 10, 2009

PUP Mabini Awards ng BBrC159, Inilunsad Na

Magandang balita mga kapatid! Ang konseptong ating binuo noon sa ating Broadcast Relations and Promotions subject ay pormal nang ipinatupad ng PUP. Para sa mga di nakaka-alam, isang final requirement noon ni Dr. Divine Pasumbal ang isang public relations project para sa PUP na aming gagawin. Ang orihinal na plano ay kami ang magsasagawa ng naturang proyekto, subalit dahil sa kawalan ng panahon ay minabuti na lamang na isumite namin ang proposal na naglalaman ng lahat ng aming research. Ang naisip naming parangal ay para sana sa mga media practitioner, isang Mabini Awards na maihahalintulad sa USTv Awards ng Uste at Gawad Plaridel ng UP. Nang ipasa sa Board of Regents ang proposal, nagustuhan nila ang proyekto at agad itong pinondohan. Subalit upang masaklaw ang mas malaking madla, minabuti nilang igawad rin ang parangal sa iba pang industriya gaya ng sining. Ang pinal na pangalang ginamit ay Gat Mabini Awards. Narito ang balita, na mula sa websayt ng PUP:

[Pinagmulan - http://www.pup.edu.ph/newscenter/?id=319]

Gat Mabini Awards Ilulunsad
Fil Viduya, PUP News, Volume VI, Isyu No. 15, Agosto 1-15, 2009

Inihayag ni President Dante G. Guevarra na magkakaloob ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng Gat Apolinario Mabini Awards bilang pagkilala sa mga indibidwal na nagpamalas ng kakaibang galing at kakayanan sa kanilang ginagalawang propesyon.

Kabilang sa mga binanggit na propesyon ni Dr. Guevarra sa kanyang talumpati na ginawa sa PUP para sa pagdaraos ng ika-165 anibersaryo ng araw na kapanganakan ni Apolinario Mabini na ang gagawaran ay mula sa sektor ng media, batas, siyensiya, teknolohiya, at youth leadership.

Ipinakikita ni PUP President Dante G. Guevarra kay MMDA Chairman Bayani Fernando ang mga pagbabagong pisikal sa loob ng PUP mula ng inlipat dito ang lumang bahay ni Apolinario Mabini-DANNY PATA
Ipinakikita ni PUP President Dante G. Guevarra kay MMDA Chairman Bayani Fernando ang mga pagbabagong pisikal sa loob ng PUP mula ng inlipat dito ang lumang bahay ni Apolinario Mabini-DANNY PATA

Sinabi ng PUP president na layunin diumano ng bagong proyektong ito na gisingin ng PUP ang kamalayan at interes ng iba't-ibang propesyunal sa ideyalismo, patriotismo, nasyonalismo, at pagmamahal sa bansa ni Mabini, kinikilala bilang "Dakilang Paralitiko" at bayani ng bansa.

Binigyang-diin din ni Dr. Guevarra na napapanahon na upang palitan ang pagkilala kay Mabini bilang dakilang lumpo , "Mas angkop na siya'y kikilalanin natin bilang isang iskolar," paliwanag ni Guevarra, pangulo ng itinuturing na pinakamalaking unibersidad sa bansa.

Dinaluhan ng mga taga-PUP sa pangunguna ni Dr. Guevarra at iba pang matataas na opisyal ng kanyang administrasyon, ng Metro Manila Development Authority sa pamumuno ni Chairman Bayani F. Fernando, Jr. at ng National Historical Institute na pinangunahan naman ng kinatawan nito na si Dr. Ponciano A. Menguito ng Department of Education ang naturang okasyon.

Kabilang din sa dumalo sina Ms. Lydia Mabini Figueroa, malapit na kamag-anak ni Mabini, mga bise-presidente na sina Executive Vice President Victoria Naval, VP Samuel M. Salvador, VP Pastor B. Malaborbor, VP Juan C. Birion, VP Augustus F. Cezar, VP Marissa J. Legaspi, Executive Director Randolph Alcantara, mga iba pang director, dean, chairperson, faculty at mga estudyante.

Nagiging regular na pinagdarausan ang PUP ng mga aktibidad na may kaugnayan kay Mabini mula nang nalipat dito ang Mabini Shrine, ang bahay kung saan ipinanganak at tumira nang matagal si Mabini, ang tagapayo ni Gen. Emilio Aguinaldo sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ng revolutionary government.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Dr. Samuel Fernandez, PUP historian, na si Mabini diumano'y nagtataglay ng mataas na pinag-aralan, masipag na manunulat, awtor, abogado at siyang kauna-unahang prime minister ng unang republika ng bansa.

"Kabilang sa pinagkakakitaan niya nang nag-aaral siya ng abogasya ay pagtuturo ng Latin," pagbubunyag ni Dr. Fernandez na nagsasabi rin na napakahusay umano ni Mabini sa wikang banyagang ito.

Sina MMDA Chair Fernando at PUP President Guevarra habang nag-aalay ng bulaklak sa harap ng dambana ni Gat Mabini-DANNY PATA
Sina MMDA Chair Fernando at PUP President Guevarra habang nag-aalay ng bulaklak sa harap ng dambana ni Gat Mabini-DANNY PATA

Masigla namang ibinalita ni Chairman Fernando na tapos na ang konstruksiyon ng Mabini Shrine Office at "handa ko nang ilipat ang control at superbisyon sa PUP." Ipinabatid din nito na aalisin na niya ang mga MMDA personnel mula sa PUP "pero kapag kailangan ninyo ang tulong ko, madali ko silang pababalikan dito."

Binigyang-diin din niya na ang kailangan ng bansa ay political will para maipatupad and layunin ng mga batas na makalulunas sa ating mga problema.

Nanawagan naman si Mrs. Figueroa na gawing huwaran si Mabini at maging masigla sa pagtataguyod sa mga ideyalismo niya at maging aktibo sa pakikilahok sa napipintong eleksiyon sa 2010 upang magkaroon ng magagaling at mapapagkakatiwalaang liderato sa bansa tungo sa maunlad na sambayanang Pilipino.

Pinakulay naman ang programa ng PUP Serenata at KKK Band. Si Alvin Alcid ang nagsilbing emcee nito.


Bilang pagpupugay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ipinasya ng patnugutan ng PUP NEWS na gawing medyum ang sariling wika sa lahat ng mga artikulong ilalathala sa buwan ng Agosto.


O diba? Isa na namang legacy ang ating naibahagi sa ating unibersidad. Mabuhay ang BBrC159! :)

LOOKING FOR THE ONAKULEOM SITE?
IT'S HERE: www.ONAKULEOM.tk