Saturday, October 09, 2010

Belated Happy World Teacher's Day! (for my College Life)

Repost from the Facebook account of Arci Ramiro Formales on Wednesday, October 6, 2010 at 11:16pm

Pagbaba pa lang ng jeep, pagpasok sa gate ng Camp Crame Elementary School, labis na kaba na ang nararamdaman ko. Sa pila pa lang, parang gusto ko na ring umiyak, dahil nakikita ko ang karamihan sa mga batang katabi ko sa pila na nag-iiyakan na rin. Ayaw humiwalay sa mga nanay nilang ihahatid lang sila sa pinto ng classroom, iiwanan para mag-aral, at saka susunduin pagkatapos na anim na oras ng nakakatakot na learning session. Para akong isang batang ihahatid sa Barangay Health Center para pabakunahan. Ganun ang feeling kapag first time papasok sa school.

Hindi tulad ng mga kasama ko sa Row 1 (naks! Row ng mga matatalino!), hindi na ko dumaan sa Nursery. Unang sabak ko pa lang sa eskwela ay sa Kindergarten Class na agad ako inenroll (felling accelerated!) Dun ko nakilala ang misis na magtuturo sa amin ng mga kantang “Making Melodies”, “Mag-isip-isip” at “Bow-Bow-Bow, Belinda.” Itago na lang natin siya sa pangalang Mrs. Barcelona. Medyo bugnutin siyang babae. Hindi ko na maalala kung kalian niya ako unang sinabihan ng “Beri Gud!”, pero hinding-hindi ko makakalimutan kung paano umiyak yung isang taga-Row 3 matapos niyang paluin dahil hindi maibigkas ang salitang ‘apple’ nang tama.

***

“Naku! Si Mrs. Elsie? Nanghuhubo yan pag bumagsak ka sa exam!”

“Oo nga! Naging teacher ko yan nung grade 3! Grabe yang magalit! Parang tigre!”

Sa tingin niyo ba, gugustuhin ko pang mag-Grade 1 matapos kong marinig ang ganitong mga kwento mula sa mga tiyuhin ko? Naging teacher din kasi nila noon ang aking magiging unang guro sa elementarya. Isa siya sa mga pinaka-sikat na guro sa Crame, hindi lang dahil sa isa na siya sa mga pinaka-matagal sa serbisyo, kundi dahil isa na rin siya sa mga pinaka-kinatatakutan.

Itago na lang natin siya sa pangalang Mrs. Elsie. Sa kanya ko unang narinig ang mga katagang ‘chlorophyll’, ‘Least Common Denominator’, at ‘phonics’. Dahil din sa takot na baka hubuan din niya ako sa harap ng aking mga classmates, name-morize ko ang multiplication table sa loob lang ng 1 oras. At dahil din sa kanya kung bakit palagi akong may tatak na hugis star sa braso ko. Very Good ka sa spelling pag may ganun ka.

Pero hinding-hindi ko makakalimutan nung ako’y nasa Grade 2 na. Dahil napamahal na rin ang section namin sa kanya, nirequest pa niya sa Principal na siya ulit ang maging adviser namin. At siya’s pinagbigyan.

Araw ng Biyernes, Summative Exam Day. At hindi ko rin naman kasi mawari kung bakit ba ako nahuli sa pagsagot ng Mathematics part?

Mrs. Elsie: “Formales!!”

Arci: “70 po…”

Nahihiya pa kong isigaw ang nakuha kong score. 70 percent. Hindi pa umabot ng 75 para kahit pasang-awa man lang.

Mrs. Elsie: “70 ka?!! SIge tumayo ka dito sa harap!!”

Gusto ko nang maiyak. Katabi ko pa harap yung ibang mga taga-Row 2 at 3 na parang proud pa sa mga iskor nilang 60 percent pababa. Pinagtatawanan pa ako ng mga katabi ko sa Row 1.

Matapos ang mga pangyayaring yon, ipinangako ko sa sarili ko na palagi ko nang ire-reduce sa lowest terms ang final answer kapag mag-a-add ng fractions. Pambihirang titser. Pati siguro ang mga classmates ko hindi nakatulog nang gabing yon, matapos nilang makita ang kanang pisngi ng puwet ko. Tsk.

***

Bagong school, bagong environment, bagong classmates, bagong teachers. Mura pa ang tuition fee noon sa Roosevelt Memorial High School (na ngayon ay Roosevelt College na).

Grade 3 ako nang makilala ko ang aming adviser na tabingi ang mukha. (Oops! Don’t get me wrong, hindi ko po intensyong manlait). Na-stroke pala kasi siya, weeks before mag-open ang school year. Kaya malamang itatago na lang natin siya sa pangalang Mrs. Stroke.

Sa kanya ko natutunan na ang Valentine’s Day pala ay dapat ipinagdiriwang din sa klase. Kaya naman ansaya-saya namin nung February 14, 1998, para kasing may part 2 ang Christmas Party, may food at parlor games, except sa natanggap ko sa exchange gifts naming ‘something red’ ang theme. Kung alam ko lang na 3 pirasong California Apples lang pala ang matatanggap ko, edi sana hindi na ko nag-effort magpabili ng malaking heart-shaped na throw pillow para sa nabunot ko.

***

♫♫♪ “It’s our Science time,

it’s our science time

Get ready now

Because it’s our Science time” ♫♫♪

Sa Grade 4 adviser ko naman natutunan ang generic science song na ito. Si Mrs. Solar System ang isa sa mga pinaka-mabait, at pinaka-Astronomical sa mga naging teachers ko. Paborito niya kasing i-tackle ang mga planeta sa Outer Space. Sa kanya ko lang naman nalaman na ang mga planetang Uranus at Neptune ay amoy utot dahil sa ammonia at methane sa atmosphere nito. Siya rin ang nagturo sa amin kung paano magluto ng Pancit Bihon Guisado sa aming HELE (Home Economics and Livelihood Education) class, na di kalaunan ay siya na lang rin ang nagluto nang mag-isa niya dahil kinakabahan siya sa mga classmates kong hindi marunong humawak ng sandok at pot holder.

Binansagan din niya akong ‘Muntinlupa’ dahil minsan na rin akong pumasok sa klase niya na semi-kalbo ang tabas ng buhok, imbes na student’s cut.

***

Balik-public school ang drama ko nung Grade 5. Lumipat na kasi kami ng bahay nun. At sa pinakamalapit na school sa bago naming bahay, nakilala ko ang adviser naming si Miss Girl Scout.

In fairness, masasabi kong isa siya sa mga pinaka-magaling sa mga naging teachers ko. Siya rin ang nag-introduce sakin ng foot sack.

Public School 101!:

Ang “footsack’ ay isang pares ng telang tinahi at idinisenyo para iproteksyon sa paa, este sa sapatos, este sa sahig pala, kapag umuulan. Ito ay upang hindi maputikan ang sahig na pinaghihirapan din naman naming pakintabin.

***

Pero kung sino pa ang mga hindi namin adviser, sila pa ang mas tumatak sakin.

Isa na dito si ang kapatid ni Miss Boy Scout, na si Mrs. Boy Scout.

Gaya ng kanyang nakatatandang kapatid (oo, mas matanda si Miss Boy Scout kay Mrs. Boy Scout) may mga panahon na bugnutin din siya.

Patunay na dito ang naranasan ko sa canteen. Recess time, at nakapila na kaming lahat para sa everyday menu sa canteen na tig-da-dalawang pisong lugaw. At wala rin akong idea noon na 2 piso lang pala ang isang sandok ng, ayon sa kanila ay napaka-masustansya,pero napaka-masabaw na lugaw. Nagtanong ako sa kanya dahil siya ang nagsasandok ng lugaw. At hindi siya naka-uniporme o nakabihis panturo man lang.

Arci: “Ate, magkano po sa lugaw?”

Mrs. Boy Scout: “HA? Anong ate? Kapatid mo ba ako? Dalawang Piso!”

At hindi na ko naka-imik. Agad kong dinampot ang nagsesebong mangkok na may lamang lugaw, at pumunta sa dining area.

Sa Isip-isp ko: Sino ba yung babaeng yun? Ansungit! Akala mo kung sinong titser dito! Canteener lang naman!

At kinabukasan, nalaman ko na lang na siya pala ang magiging Science at EPP (Tagalog version ng HELE) Teacher namin. Siya lang naman ang nagturo samin kung paano magluto ng Menudo with Thousand Green Peas.

***

Meron pang isa.

Maingay at magulo ang classroom namin. Absent kasi ang isa sa aming mga subject teachers. Walang substitute. Biglang pumasok ang isang Ingleserang teacher na nung araw ko lang din na yun nakita.

Ang iba yata sa mga classmates ko medyo na-elib sa pagtalak niya in foreign tongue. Napangiti ang isa sa mga classmates ko na itago na lang natin sa pangalang Gracia Palm.

Miss Inglisera: “Why are you laughing? Is there anything funny in what I am saying?”

Gracia: (umiling lang)

Miss Inglisera: “Are you crazy?”

Gracia: (umiling ulit)

Miss Inglisera: “I thought you are crazy. Huwag niyong hayaan na tratuhin ko kayo na parang mga Grade 1!”

…at nag-Tagalog na si Miss Inglisera.

Nang dahil sa kanya, naging famous line na sa section namin ang “Are you crazy? I thought you are crazy”, sabay irap, then tawa.

***

Unang Taon sa Hayskul, at nabigyan ako ng pagkakataon na makapasok sa sinasabi nilang Best Private High School sa Antipolo.

♫♫♪ “For there is Only One, Dear Sumulong Memorial High School..” ♫♫♪

Yan ang unang bagong kantang natutunan ko mula sa adviser naming si Miss Filipiniana. Sa kanya ko rin natutunan na hindi dapat mawawala ang rug, hanky, at brochure sa bag mo. Pag may naiwanan kang isa, 5 pesos agad ang multa. Kung matigas talaga ang ulo mo, 15 pesos ang babayaran mo araw-araw.

Siya rin ang naging Filipino Teacher namin nung 2nd Year. Nagkaroon pa kami ng play sa Florante at Laura na sa classroom lang ginanap.

Nainis pa nga siya sa huling grupong nag-perform dahil bahagya nilang binago ang takbo ng kwento ng sikat na nobela ni Fransisco Baltazar.

Idagdag ba naman si Kagane (hindi ako sigurado kung ito yung eksaktong pangalan ng idinagdag na character) na imaginary character lang na nabuo sa malikot na isipan ng isa sa mga writers ng grupo. Okay na sana yung fighting scene ni Florante at ng dalawang kawawa kong kaklase na gumanap bilang mga leon. Pero mukhang balak pa yata nilang gawan ng sequel ang nobela. Ayon sa kanilang script, nag-ka-anak sila Florante at Laura, and they lived happily ever after.

***

“I’M NOT YET MAAAARIIIIIIIED!!!”

Ganyan ang naging tugon sa amin nang magkamali ang section namin (I – Pilot) sa pagbati sa kanya. Well, tama nga naman siya. She’s not yet maaaaariiiiiied.

Siya si Miss Menopausal. Miss pa lang siya, at hindi pa Misis (paulit-ulit nating banggitin para hindi natin makalimutan). Sa bansag pa lang, mahuhulaan mo na agad kung anong klaseng mood meron siya.

“You walk to, and fro, to, and fro, EVERYDAY!!!”, sabi niya sa classmate kong walang ibang ginawa kundi ang lumakad papasok at palabas ng classroom kada magri-ring ang bell.

“Stop chewing! Spit that!”, sabi naman niya sa classmate kong palaging may nginunguyang chewing gum.

“Remove that choker!!!”, pati ang kwintas na gawa sa Buddha beads na suot ng isa sa mga estudyante, hindi niya pinalampas.

Halos lahat ng mga estudyante ilag sa kanya. Para ka kasing mape-persona non grata sa buong Sumulong pag nasita ka niya.

***

Si Miss Doo-doo-lee naman ang isa sa mga masasabi kong pinaka-mean.

Bakit kamo ‘mean’? Ito ang eksena:

Classmate 1: “ambaho!”

Classmate 2: “ambaho nga! ulk!”

Classmate 3: “grabe, ambaho!” (sabay takip ng hanky sa ilong)

Hanggang sa lahat kaming nasa classroom ay dumadaing na dahil sa espesyal na amoy na pinasabog ng isa sa aking mga kaklase. Pag minamalas nga naman. At saka pa nag-alburuto ang alaga niyang amoeba kung kelang last subject na, at malapit na kaming i-dismiss.

Miss Doo-doo-lee: “Oo nga noh? Mabaho nga?! Saan ba nanggagaling yun? Tumayo nga kayong lahat!”

At tumayo ang lahat, maliban sa isa. AT SIYA NA NGA YUN!

Miss Doo-doo-lee: “Ay, alam na!”

Tsk. Tsk. Ang mean ni Ma’am noh?

***

Kung nakamamatay lang ang pagmumura, malamang nakasuhan na ng multiple murder itong guro naming si Mr. Biology.

“Aba’y mga PU+@~*&$%^ NINYOW!”

Ganyan lang naman siya pag napipikon samin. Mura with a twist! May puntong taga-Morong. Mahusay kasi kami (II – Sampaguita) pagdating sa mga delaying tactics. Lahat ng mga pinaka-non-sense na tanong ay itatanong namin sa kanya, twice or thrice, upang makaiwas lang sa pakikinig sa isa nanamang nakaka-antok na discussion tungkol sa prokaryowtik at yukaryowtik cells.

“POW+@&#*@#@&**~% NINYOW!”

Maraming beses pang naulit ito. Ang iba ko yatang kaklase parang nag-e-enjoy pa sa pakikinig. Tatawa pa sila nang patago pagkatapos niya kaming murahin. Lalo na yung classmate kong nasa front row center aisle. Kung makatawa, akala mo nag-joke lang si Sir.

***

2nd year high school ako nang makilala ko ang Intermidiate Algebra. Unfortunately, hindi ko siya gusto, kaya hindi kami naging close sa isa’t isa. Yan lang naman kasi ang itinuturo sa amin ni Mr. Lavender, isa sa mga Mathematicians sa school, na mas willing pa yatang turuan ang black board kaysa sa mga estudyante niyang dinudugo sa x andy symbols.

Sa era niya nabuo ang tinatawag naming “Great Chain of Unity”, kung saan lahat kaming magka-kaklase ay nagtutulungan upang matuto at pumasa. Ito ang chain na mistulang sindikato habang wala pa ang guro. Mabilisan ang operasyon. Pero pag paparating na siya, que se jodang hindi pa kumpleto ang sagot ng mga nasa buntot ng chain, parang may magic na magbabalik ng mga upuan namin sa tamang puwesto nito. In 5 seconds, mistulang pang-model class na ulit ang seating arrangement namin. Bongga!

***

Si Mrs. Rizal ang isa sa mga pinaka-paborito ko. Very approachable, at kuwelang magturo. Parang may built-in speakers with extra bass ang kanyang lalamunan, kaya hindi ka aantukin sa period niya.

Siya lang naman ang promotor ng aming Noli Me Tangere play. Si Padre Salvi pa nga ang ginampanan ko noon kung hindi ako nagkakamali. Naging comedy pa nga ang presentation ng grupo namin, nang makita ang kulay gold na panty na suot ng classmate kong bakla habang kinakaladkad siya sa isang eksena.

***

Tuwing break period, kailangan lalabas ng classroom ang lahat ng estudyante. Bawal ang may maiiwan sa loob. Kaya hindi ko rin malaman kung anong pumasok sa kukote namin ng isa sa mga closest classmates ko, at naisipan naming mag sound-trip sa loob ng bakanteng classroom.

♫♫♪ “…never can, never will, can’t hold us down!” ♫♫♪

Gamit ang cassette ng isa pa naming classmate na may rehearsal yata ng sayaw nung araw ding yon, sobrang enjoy na enjoy kaming sabayan ang kanta ni Christina Aguilera. Ilang hakbang na lang pala ang layo ng aming YLC noon na si Mrs. Dao Ming sa pintuan ng classroom, na nag-i-ikot nga pala sa buong building tuwing break time, para manghuli ng mga estudyanteng matigas ang ulo. Sumilip siya sa room. Pero dahil majikera kami, bigla na lang namatay ang music, at para kaming si Sadako na bigla na lang gumapang sa sahig papunta sa ilalimng mga arm chair. Siyempre para magtago. Luckily, hindi niya kami nahuli.

***

At dahil may mga teachers kami noon na feeling nila ay subject lang nila ang lalamanin ng report card namin, araw-araw nagmimistulang Physics Class ang aming English Class.

Paano? Saan ka ba naman naka-attend ng English IV period na may mga naghihinang ng mga microchips. Soldering Iron ang activity ng mga estudyante (requirement ni Mr. Shining Sun) habang ang dini-discuss ng teacher sa harap ay Subject-Linking Verb-Subjective Complement sentence structure. Why not? Two subjects at the same time, for faster learning!

Ang English Teacher din naming yun ang siyang naging daan ng iba sa amin upang makahabol sa pagpasa ng reflection paper sa subject ni Mrs. Rizal.

Mrs. Animalistic: “And who is that man inside the jail?”

Tinuro niya ang dino-drawing ng isa kong classmate sa kanyang intermediate pad. Parang naweirdohan yata siya sa ginagawa ng classmate ko, na hindi naman bahagi ng aming discussion.

Lyka: “Tata Selo.”

Casual lang ang naging sagot ng aking classmate. Mas bet niya yatang maging best in Filipino, kaysa maging Best in English. Tameme na lang si Mrs. Animalistic. Barado.

***

Sino ba naman ang makakalimot kay Mrs. Abstract?

Costume Day namin nun. Parte ito ng paggunita sa United Nations Day. Pabonggahan ang ilan sa mga may perang pang-rent pa ng national costume. Makukulay na Kimono, Egyptian Dresses, Filipiniana, Barong Tagalog, at may nag-Body Paint pa. Malong naman para sa mga nagtitipid. Pero ang hindi nagpa-kabog ay ang isa sa mga Economics Teacher sa school. Hindi siya nagpaka-Chinese o American o African sa kanyang napiling costume. Dahil isa siyang proud na Sumulongnian, ginamit niya ang complete set ng girl’s proper uniform, hindi nga lang namin alam kung kanino niya ito hiniram.

Napaka-simple – blouse, skirt, ribbon, ID, white socks, black shoes, at pig tail na buhok.

Ang isa pa sa mga hindi ko kinaya ay noong may Christmas Program kami. Kaputukan pa noon ng Telefantasyang Mulawin, at iyon ang napili niyang costume para sa kanyang song number.

“Ikaw Nga” by Southborder. Ang themesong ay naaayon sa costume. Hindi ko nga lang mawari kung ano ang problema sa audio. Garalgal ba talaga yung mic, o talagang hindi niya na-practice ang tamang lyrics ng kanta? Hindi man niya na-achieve ang minimithing Alwina look, aliw na aliw naman sa kanya ang mga estudyante niya. Siya na nga ang Sugo ng mga Mulawin!

***

Kolehiyo na ako, at mas-karakter na mga guro pa pala ang naghihintay sakin. Sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ko nakilala ang mga alamat at nagpapaka-alamat pagdating sa pagtuturo. Sa pagkuha ng kursong Bachelor in Broadcast Communication, nakita ko ang malaking kaibahan ng mga propesor sa major at minor subjects.

“Good Morning. Now pick-up the pieces of paper and give some space on both sides.”

Sabay dasal, “In the name of the Father, and of the Son, and of the Holy Spirit, Amen. Our Father, Who art in heaven…”


Si Professor Braguda ay nakakatakot, literal. Isa siya sa mga professors namin na hindi pwedeng hindi ka naka-corporate attire kapag magpe-present ng report. At huwag mo rin tatangkaing kumanta ng “Since U Been Gone” ni Kelly Clarkson hangga’t hindi pa siya nakakalabas ng classroom, dahil minus 20 ang ipapataw niya sayo. Siya rin ang nagpakilala samin kay “Ted, the Friendly Olive.” Broadcast Announcing and Performance ang subject na kanyang itinuturo, pero para kaming bumalik sa Grade 1 matapos niya kaming paulit-uliting pagbigkasin ng mga salitang may syllables na ‘schwa’sound.

***

Si Professor Peggy’s Cove naman ay tumatak din sa amin dahil sa… well, Peggy’s Cove.

***

First time kong makakita ng Professor na hindi sumisigaw ng “Quiet, please!” kapag nagsasaway ng maingay na klase. Sa halip ay gagamit ng whistle, na parang traffic enforcer. Legend na raw siyang maituturing sa PUP. Proud pa niyang ikinukuwento sa amin na naging estudyante niya si Bayani Agbayani.

“PRRRRT!!!”

Si Professor Palong ay isa sa mga pinaka-kontrobersyal. Siya lang naman ang gumulantang sa block namin matapos niyang bigyan ang bawat isa samin ng kagulat-gulat na final grade sa class card. Masuwerte ang mangilan-ngilang nakatanggap ng highest grade na 1.75, medyo maswerte rin kaming mga nakakuha ng 2.0. Pero mas nakaka-awa ang mga nakakuha ng 2.75 at 3, mga aspiring Cum Laudes pa man din. Pero wala nang mas nakaka-awa pa sa isa kong classmate na tila invisible yata sa paningin ni Prof. Palong sa tuwing magle-lecture siya ng College Algebra.

Classmate 1: “Bakit umiiyak si Isabel?”

Classmate 2: “Eh ‘Withdrawn’ yung nakalagay sa class card niya eh.”

Parang gumuho ang mundo ng classmate kong si Isabel, hindi niya tunay na pangalan. Palaging ‘present!’ ang tugon niya sa tuwing magche-check si Prof. Palong ng attendance, pero tadtad ng Absent mark ang kanyang attendance nang kanya itong ipa-double check.

Hindi rin talaga naming mahulaan kung paano siya nag-compute ng grades namin. Marahil, siya mismo ay nanghula na lang din. Mabuti na lang masuwerte ako nung araw na binibilugan na niya ang mga grades naming tila hinugot lang sa hinuha.

***


Trivia:

Sa college, pag sinabing ‘Irregular’ ang isang estudyante, ibig sabihin siya ang gumagawa ng sarili niyang schedule para sa mga papasukan niyang subjects. Maaaring may kulang pa kasi siyang subject from the previous semester, kaya hindi siya mapa-bilang sa isang block.

Trivia:

Alam niyo ba na may ‘irregular’ ding professors? Iba pa ito sa mga part-time professors. Sila ang mga prof na may fixed schedule, pero papasok lang kung kelan nila gusto. Para silang mga kabute, hindi mo mahuhulaan kung kelan susulpot.

Bilang estudyante, dapat magaling ka ring mag-hunting ng mga ganitong klaseng professors, lalo na kung ikaw ay graduating, o di kaya naman ay naghahabol ng requirements para sa Dean’s Lister.

Si Professor Socio ang isa sa mga most exceptional irregular professors of all time. Dalawang araw ang kanyang niliban bago siya unang pumasok sa aming klase. Matapos ang una naming meeting, 2 linggo na ulit ang lumipas bago ulit siya pumasok. At matapos ang pangatlo naming pagkikita sa classroom, bigla na lang siyang hindi nagparamdam samin.

Malapit nang matapos ang school year kaya naman puspusan na ang entrapment operations ng section namin para mahuli sa Main Campus ang naturang prof. Magaling siyang magtago at tumakas. May sa-Robin Hood din si Sir. Pero hindi siya umubra sa isa kong classmate, na nakipag-patintero pa sa kanya sa West Wing, makuha lang ang minimihing class card.

***

Five types of weather:

  1. Sunny
  2. Rainy
  3. Cloudy
  4. Stormy
  5. Rainbow

“What?! Rainbow?!”

Malamang yan ang naging reaksyon ng buong klase matapos itong marinig mula sa Ecology Professor namin. Kahit yata mga pre-school, mukhang hindi sa-sang-ayon listahang ito.

Sa kalagitnaan ng nakakawindang at nakakatawang diskusyon sa aming Ecology Class, isa sa mga classmates ko ang nag-recite at nag-maasim.

Kat-Tun: “Sir, diba po ang definition of weather ay ‘the state of the atmosphere at a given time and place, with respect to variables such as air temperature, moisture, wind velocity, and barometric pressure?’

Professor Gold: “Yes.”

Kat-Tun: “Tapos po diba yung definitinion ng rainbow ‘is an optical and meteorological phenomenon that causes a spectrum of light to appear in the sky when the Sun shines onto droplets of moisture in the Earth's atmosphere?”

Professor old: “Yes.”

Kat-Tun: “So nasaan po yung ‘air’ dun?!”

Sabay upo.

Kaming lahat: “Taaaaamaaa!!! Woooohhh!!!”

At dahil mga aspiring Broadcasters kami, isa ulit sa mga classmates ko ang bigla na lang bumanat:

Milkshake: “Kung weather po ang Rainbow, edi dapat ipino-forecast din siya? Parang ‘There will be scattered rainbows all over Metro Manila?’”

*laugh trip*

At namula sa kahihiyan ang professor. Tila gusto niya yatang isumpa ang textbook na nagpahamak sa kanya.

Ang information na yun ay mistulang virus na mabilis kumalat sa CoC campus. Naging paboritong tanong din ito sa Question and Answer portion ng Miss Gay Lotto na ginaganap araw-araw sa lobby at sa carpark.

Host: “The question for you is ‘Do you believe that rainbow is a weather?’”

Contestant: “No. Because I belive that it’s just a decoration in the sky. Thank you very much!”

*appluse*

Ang professor din na yon ang tumawag sa section namin nang kakaibang pangalan.

BBrC 4-1d – meaning Bachelor in Broadcast Communication 4th year, section 1, day shift

BBrC FourOne dash D – meaning Bread and Breakfast Condominium Unit 41-D?

***

Tunay nga namang mga masasayahin ang mga BroadComm students. Kaya kahit absent ang professor, enjoy na enjoy parin silang manatili sa loob ng mainit na classroom.

May mga professors nga lang talaga na hindi naiintindihan ang katotohanan na ang kolehiyo namin ay hindi seminaryo di kaya’y school for the deaf.

Isang nagngangalit na babae ang pumasok sa classroom namin sa kalagitnaan ng aming mini-concert. Nanginginig, at tila mangangain ng bata anumang oras. Hindi ko na matandaan yung mga eksaktong sinabi niya samin. English kasi. Pero isa lang naman ako sa mga napagdiskitahan niya nang makita umano niya akong nakasimangot habang tumatalak siya.

Professor Cheese: “I just wonder, what is the meaning of that face?”

Arci: “Ma’am?”

Professor Cheese: “That face. That facial expression. Are you angry at me?”

Arci: “Hindi po Ma’am. Ganito lang po talaga ang mukha ko.”

Gusto nang sumabog ng mga kaklase ko. Pigil na pigil ang kanilang pagtawa.

Hindi naman niya ako masyadong napuruhan. Lumabas din siya ng classroom, at doon naman sa kabilang room diumano nag-i-iyak dahil sa sobrang inis.

***

Balik naman tayo sa mga tunay naming professors.

Isang professor naman ang nagpakitang-gilas samin, hindi sa pagtuturo, kundi sa paggawa ng eksena sa pagtuturo.

Hindi naman kasing-hina ng boses ni Prof. Braguda ang boses nitong si Professor Conde. Gusto lang yata talaga niyang ipagmalaki samin na siya ang voice talent ng character ng malupit na lolo ni Cedie, ang Munting Prinsipe. Proud din niyang ikinuwento sa amin na naka-trabaho na rin niya sila Prinsipe Jumong at Jang Geum ng Jewel in the Palace. Kaya bilang patunay, palagi siyang may bitbit na cassette sa classroom. Akala namin nung una, meron lang kaming guess-that-song-title game na gagawin. Pero kakabitan lang pala niya ito ng wired lapel mic, at saka mag-u-umpisang magturo.

Gaya ng ibang kong mga classmates, hindi rin ako nakaligtas sa pang-a-award niya. Medyo mahigpit din pala kasi siya, hindi lang halata.

Nangyari ito nang minsan akong tinawag ng isa kong volleyball teammate na nasa labas ng classroom, habang kami ay nakatunganga. Ay, este nakikinig pala.

Arci: “wait lang!”, sabay taas ng kanang kamay ko.

Prof. Conde: “Yes, are you raising your hand?”

Bigla niya akong tinawag sa pag-a-akalang gusto kong mag-recite. Tinalakan niya ako nang bongga nang sinabi kong “wala po.”

***

Siyempre, ang highlight sa listahang ito, ang guro namin na isang certified internet sensation.

Sino ba naman ang hindi makaka-alala sa kantang “Little Quantum”? May video pa ito na in-upload ng isa sa mga pinaka-mabait kong classmates. Si Dr. Coconut Shell ay isang natural comedienne. Palabiro, at mapagbigay rin.

Pinaka-hindi ko makakalimutan ay nang nagkaroon kami ng despedida concert party sa room. Nakatakda na kasi siyang lumipad patungong Singapore para sa isang churva seminar about digital broadcasting. Kanya-kanyang showcase ng talent ang mga bakla’t tambolina. May kumanta, sumayaw, at nanlait. Pero mas pinasaya kami ng doughnout na kanyang ipinabili para sa section namin.

At kung eksena lang din ang pag-uusapan, siyempre hindi siya magpapakabog. Kung ang ilan sa aming mga professors ay may dalang whistle at cassette, siya naman ay may dalang fixed landline telephone. Ito ay para matawagan ang kanyang mga kaibigan at katrabaho. Mas convenient daw kasi ito kaysa cellphone.

May pagka-makakalimutin nga lang si Ma’am. Matapos makipag-chikahan at makipag-tawanan sa telepono sa loob ng 10 minuto, bigla na lang niyang tinanong kung sino na nga ba ulit ang kausap niya.

***

Ilan lang sila sa mga taong aking iginagalang. Kung isasama ko pa kasi ang lahat dito, malamang aabutin ako ng susunod na World Teacher’s Day.

Hindi ko intensyon na mapagtawanan sila sa ginawa kong ito. Ang gusto ko lang iparating sa note na ito ay katulad din ng mga estudyante, may mga pagkakaton din na nagkakamali at nagkukulang sila. Kaya nararapat lang na bigyan natin silang lahat ng respeto. Kung wala sila, malamang, wala din ako sa kung anong propesyon ang tinatahak ko ngayon.

Isang pagpupugay para sa lahat ng ating mga guro!

LOOKING FOR THE ONAKULEOM SITE?
IT'S HERE: www.ONAKULEOM.tk